𝘿𝙞𝙨𝙘𝙡𝙖𝙞𝙢𝙚𝙧:
Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang ilang mga alaala kasama ang mahal kong mga eskwela. Ngunit, aking paalala, ang mga pangalan sa mga kwentong aking ibabahagi ay aking pinalitan. Anuman o sinumang may pagkakahalintulad sa mga kwento ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.
Episode 1 | 𝘿𝙞𝙨 𝙂𝙪𝙮'𝙨 𝙄𝙣𝙡𝙖𝙗 𝙒𝙞𝙙 𝙐
Hindi kumpleto ang highschool life kung wala kang kaibigan. Walang kwenta ang buhay na walang barkada. Isa sa pinakamagandang bahagi ng buhay sa hayskul ay ang pagkakaroon ng tropa. Pero, what if you've already found your best friend, ngunit dahil sa isang bagay ay mawawala siya sa'yo?
Isa ito sa mga problemang na-encounter ko sa aking first week as teacher.
I have a student, itago na lang natin sa pangalang MM, he's gay, who talked to me via messenger and told me about his problem.
Nang mga oras na iyon, habang kami ay nag-uusap, ramdam ko 'yong sakit na kaniyang dinadala. Napakabata pa niya para maramdaman iyon.
Ikinuwento niya sa akin ang tungkol sa kaniyang boy best friend, si POOP. Masaya at sobrang close sila sa isa't isa. Nagsimula pa ang kanilang pagkakaibigan noong first day of school sa hindi ko na naaalalang dahilan. (Hehe. Pasensya na, uliyanin na ako.)
Lumalim ang kanilang pagkakaibigan at samahan. Ngunit, ito ay panandalian lamang.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nahulog ang loob ni MM kay Poop. Hindi na lamang kaibigan ang tingin niya rito. Sa palagay niya kase, crush na niya ito. Crush as in paghanga. Wala namang masama sa paghanga, 'di ba?
Subalit, ang mundo ay sadyang mapanghusga, kung kaya't inilihim ni MM ang kaniyang paghanga sa kaibigan. Ilang araw, ilang linggo, at umabot pa nga hanggang buwan. Naitago niya ang kaniyang nararamdaman. Ngunit, ang pagtatago ay hindi rin nagtagal. Isa sa kanilang mga kaklase ang nakaalam tungkol dito, at agad nitong ipinaalam kay Poop.
It was August. Buwan ng Wika. Buwan kung kailan nagsimula ang malalamig na araw. Wala na ang masasayang kwentuhan. Wala na ang kulitan. Wala nang pansinan. Wala na. Iniwasan na siya ng kaniyang itinuturing na matalik na kaibigan.
Five months na pala.
Ganun na katagal na hindi siya pinapansin ni Poop. Sobra na niyang namimiss ito. Nasabi rin niya sa akin na minsan naiisip niyang saktan ang sarili. Sugatan ang kaniyang pisikal, upang iyon ang kaniyang maramdaman. Mas okey raw iyong pisikal na sakit kaysa emosyonal. Humingi siya sa akin ng advise. Ganun talaga. Kahit TLE teacher ako at hindi niya ako adviser, kailangan ko siyang payuhan. Ginawa ko naman lahat. Nilabas ko ang aking mahiwagang mga kataga. Meron kase akong kapangyarihan. Ito ang KAASTIGAN! Haha! Charr!
At matapos naming mag-usap, at siya ay aking payuhan, napansin ko na muli na silang nagpa-pansinan. Hindi ko rin alam kung anong nangyari. Basta bigla na lang silang nag-usap ulit. Medyo na-weird-uhan ako roon. Five months walang pansinan, tapos biglang VOILA! Bestfriends na ulit kami! Niloloko n'yo ba ako? Haha.
By the way, masaya ako para sa kanilang dalawa.
Sa pagkakaibigan, wala namang gender. Kailangan lang natin ng pagtanggap at pang-unawa. Ganun din sa pagibig o paghanga. Pero, lagi nating tatandaan, piliin mo kung saan kayo magtatagal.